Idineklarang under state of calamity ng pamahalaang lungsod ang Surigao City kahapon pagkatapos yanigin ng magnitude-6.7 earthquake ang Surigao del Norte noong Biyernes ng gabi.
Idineklara ni Surigao City Vice Mayor Alfonso Casurra na under state of calamity ang lungsod sa emergency meeting ng City Disaster Risk Reduction and Management Council dahil sa tinamong pinsala nito.
“Aside from severe damage of infrastructures and business establishments, we also declared the entire city under a state of calamity because seven persons were already reported dead while 30 other persons were injured that are now admitted at various hospitals here,” sinabi ni Casurra sa isang pahayag.
Tinatayang milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa lindol na tumagal ng pito hanggang 10 segundo, dagdag ni Casurra.
Alinsunod sa utos ni Surigao City Mayor Ernesto T. Matugas, nagsasagawa na ang CDRRMC ng rapid assessment and validation sa pinsala ng lindol. (Mike U. Crismundo)