By Glen P. Sibonga
Excited na ang Kapamilya actor na si Vin Abrenica sa magiging baby ng kuya niyang si Aljur Abrenica sa fiancee nitong si Kylie Padilla. Nai-imagine na nga raw niya kung paano niya aalagaan ang baby bilang tito.
“Excited na excited ako sa baby. First baby iyon sa family namin at nanggigigil na ako. Alam mo iyong parang bubuhatin ko na siya. Gusto ko nang sabihin na blood of my blood,” sabi ni Vin.
Sa tono ng pananalita niya parang magiging spoiled sa kanya ang pamangkin niya. Gusto ba niya ng nephew or niece? “I would want it to be a nephew. Kasi parang kuya ko, siya yung halos panganay sa lahat ng magpipinsan at naging protector siya ng lahat. So, I want his baby to be a boy sana. Ako kasi hindi ko baby iyon, so alam ko ii-spoil ko siya.”
Bukod sa excited na maging tito, isa pang dahilan ng excitement ni Vin ngayon ay ang mapabilang sa cast ng Wildflower. Ito ang kauna-unahan niyang teleserye nang lumipat siya sa ABS-CBN mula sa TV5 noong isang taon. “Ako po sobrang saya talaga na nandito ako. Umuuwi ako gabi-gabi, hindi pa rin nagsi-sink in sa akin na kasama na ako sa isang soap sa ABS, na matagal ko nang pinagdarasal. Last year pa noong kakalipat ko pa lang, pinapangarap ko na talaga ito.”
Isa si Vin sa tatlong leadingmen ng bida ng Wildflower na si Maja Salvador. Kumusta namang katrabaho si Maja? “Sobrang dami kong natututunan sa kanya. Ginulat niya talaga ako nang matindi. Binasa ko yung script, sobrang simple lang, yung ginawa ni Maja sinurpresa niya ako, and alam ko soon masusorpresa niya rin kayong lahat.”
Mula sa production unit ni Ruel S. Bayani, ang Wildflower ay mapapanood sa ABS-CBN simula ngayong Lunes, February 13.