Inilunsad kahapon ng Southern Police District (SPD) ang “I Heart U SPD” na naglalayong makalikom ng pondo para sa community projects ng kanilang non-uniformed personnel at matulungan na rin ang mga pulis na makabili ng Valentine’s Day gifts para sa kani-kanilang minamahal.
Sinabi ni SPD spokesperson Superintendent Jenny Tecson na ang fund-raising project ay pinangungunahan ng SPD non-uniformed personnel (NUP) sa pamumuno ni Aida Baudin at pakikipagtulungan ng district police community relations (PCR).
Ipinaliwanag ni Tecson na ang kikitain sa naturang aktibidad ay mapupunta sa Non-Uniformed Personnel Association Incorporated (NUPAI) na siyang magbibigay ng financial assistance sa mga nangangailangang non-uniformed personnel at magsasagawa ng community projects.
“Valentine’s Day naman so nakaisip sila ng activity para mag-share ng love sa publiko. Actually, it’s like hitting two birds with one stone dahil matutulungan natin kahit papaano ang ating kapulisan na hindi na mag-rush para bumili ng regalo para sa kanilang mga mahal sa buhay after their duty,” sabi ni Tecson.
Ayon kay Tecson, ang mga available gift item ay kinabibilangan ng chocolates, candies, lolli-pillows na nagkakahalaga ng P25 hanggang P100; teddy bear at lolli-pillows na nagkakahalaga ng P125 hanggang P300; heart pillows sa halagang P150; at fresh at plastic flowers na pwedeng ayusin bilang bouquet sa halagang R100 hanggang P1,200.
(Martin A. Sadongdong)