KORONADAL, South Cotabato, (PIA) – Sa 16 na mga regional office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa buong bansa, pang-apat ang SOCCSKSARGEN Region sa bilang ng natapos na mga proyektong pang-imprastraktura noong 2016.
Noong nakalipas na taon, nasa Top 3 sa “actual physical accomplishment” ang DPWH Region 13, DPWH Region 11 at DPWH Region 1.
Sa isang kalatas, sinabi ni DPWH 12 Regional Director Reynaldo Tamayo na sa nakalipas na taon, natapos nila ang 504 sa 604 na proyektong pang-imprastraktura.
Kabilang na rito ang 70.159 na kilometrong kalsada na nagkakahalaga ng mahigit P1.4 bilyon.
Ani Director Tamayo, malaking tagumpay na ang pang-apat na pwesto dahil sa maraming sagabal na naranasan sa mga proyekto tulad ng mga kaso ng pangingikil sa mga contractor ng masasamang elemento at panununog ng mga heavy equipment na nakaantala sa maramaing proyekto.
Bukod sa mga nabanggit, natapos rin ng ahensiya ang 4,996.07 na lineal meter ng tulay sa kabuuang halaga na R223.6 milyon at 20 flood control projects.