Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin ng dalawang nakamotorsiklong gunmen sa tapat ng isang bangko sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Isang natutulog na pedicab driver ang tinamaan ng ligaw na bala sa naturang insidente. Kinilala ng police ang napatay na si Daniel dela Cruz ng Gen. San Miguel Street, Barangay 4, Caloocan City.
Ligtas na sa panganib ang stray bullet victim na si Marlou Oponlo, 31, matapos na gamutin sa Caloocan City Medical Center. Base sa police investigation, nakatayo si Dela Cruz dakong 1:20 a.m. sa harap ng isang bangko sa Gen. San Miguel Street, Barangay 4, nang atakihin ng dalawang armadong lalaki.
Ayon sa police, tumakbo si Dela Cruz nang makita niyang bumunot ng baril ang back rider, subalit hinabol siya ng mga salarin hanggang sa mapatay siya.
Tinamaan ng ligaw na bala si Oponlo na noo’y natutulog sa loob ng kaniyang nakaparadang sidecar.
Sinabi ng mga testigo sa police na nakasuot ng black jackets, helmets, at denim pants ang mga suspek.
Nagsasagawa pa ng follow-up investigation ang police para malaman ang motibo ng pagpatay at madakip ang mga salarin. (Jel Santos)