Umabot sa 120 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Quezon City noong Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Quezon City fire district chief Senior Supt. Manuel Manuel, nagsimula ang sunog sa second floor ng bahay ni Rico Roldan sa Pantranco Compound, Himlayan Road, Barangay Pasong Tamo, dakong 1:15 p.m. Si Roldan at ang kanyang pamilya ay nasa first floor ng kanilang bahay nang sabihan sila ng mga kapitbahay na nasusunog na ang kanilang lugar.
Mabilis na kumalat ang apoy sa 50 pang kabahayan. May 38 trucks ang rumesponde sa sunog na naapula dakong 4:11 p.m.. Umabot sa P500,000 ang halaga ng nasirang ari-arian.
Sampung katao ang naiulat na nasaktan sa kasagsagan ng sunog, isa sa kanila si Fire Officer 2 Andrew Pulido na nabagsakan ng bumigay na pader. (Vanne Elaine P. Terrazola)