Isa sa dalawang lalaking nangholdup ng apat na pasahero sa loob ng isang bus sa Quezon City ang nadakip sa kaniyang bahay sa Antipolo City kahapon ng umaga.
Ayon sa police, naaresto si Allan de Chavez, 29, matapos siyang makilala ng mga biktima sa pamamagitan ng kaniyang larawan na nasa police rogue gallery.
Base sa police report, nangyari ang pangho-holdap dakong 4:30 a.m. sa loob ng Seven Sky Express Liner sa kahabaan ng EDSA northbound sa Barangay West Kamias. Napag-alaman na sumakay ang dalawang suspek sa Cubao at nagdeklara ng holdup.
Ayon sa mga biktimang sina Carlo Fonollera, 22, Crisanto Tingting, Richell Bustamante, 30, at Katherine Bosito, 27, tinutukan sila ng mga baril ng mga suspek at sapilitang hiningi sa kanila ang kanilang mga cellphone at wallet.
Isa sa mga pasahero ang nagurlisan ng bala sa binti nang magpaputok ng baril ang mga holdaper.
(Vanne Elaine Terrazola)