CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Ipinalabas ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. ang utos na pansamantalang magpapatigil sa pagpuputol ng niyog.
Ito ay bunsod nang napakadaming puno ng niyog ang nasalanta sa nakaraang bagyo na halos ikaubos ng mga ito.
Sa tala ng pamahalaang panlalawigan, nasa 150,000 board feet na puno ng niyog ang nasira. Kung susumahin, malaki ang nasira sa industriya ng niyog na isa sa malaking nag-aambag sa ekonomiya ng Oriental Mindoro.
Sa bisa din ng EO No. 85, binuo ang Task Force na siyang magmo-monitor ng pagpapatupad ng batas hinggil sa pagpuputol at pagluluwas ng mga coco lumber.
Ayon naman kay Provincial Administrator Nelson B. Melgar, mas higit pang higpitan ng mga ahensya ng pamahalaan partikular ng Philippine Coconut Authority (PCA) ang pagbibigay ng Permit to Cut ng coco lumber operators nang sa gayon ay mas higit na makinabang ang mga Mindoreño sa darating na mga panahon.
Makikipagtulungan at makikipag-ugnayan ang mga ito sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapigil ang mga pagpuputol at pagluluwas na walang pahintulot mula sa pamahalaang lokal.