Nakabalik na ng bansa mula Jakarta, Indonesia, ang 12 mangingisda na naging biktima ng human trafficking. Sinalubong ang mga mangingisda, karamihan ay teenagers, ng mga tauhan ng International Migrant Organization (IMO) at Department of Foreign Affairs nang dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport sakay ng Philippine Airlines flight PR-540 dakong 7 p.m. ng Lunes.
Kuwento ni Darwin Manihog, isa sa mga biktima, na nagsimula ang kanilang hirap nang kunin sila ng illegal recruiter na nakilalang si Nick Leones sa General Santos City para magtrabaho bilang fishermen sa Indonesia Oktubre ng nakaraang taon.
Ngunit nang dumating sila sa Indonesia, sinabi ni Manihog na inaresto sila ng Indonesian police. Ayon sa kanya, ang IMO ang nagbigay sa kanila ng pagkain sa loob ng limang buwan ng kanilang pagkakakulong hanggang sa makabalik sila sa bansa.
Sinabi pa ni Monihog na nalaman din nila na humingi ng tulong ang kani-kanilang pamilya kay President Duterte sa pamamagitan ng pagtawag sa hotline number 8888 para mapauwi sila. (Ariel Fernandez)