Inilagay sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang pinuno at ilang miyembro ng sindikatong nasa likod ng “rent-sangla” vehicle scam matapos silang magtago sa mga awtoridad.
Nag-issue si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ng isang memorandum noong February 20 sa Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na ilagay sa ILBO ang scam leader na si Rafael Anunciacion kasama sina Ana Pamplona Borlon and Lea Constantino Rosales.
“I enjoin all our Immigration Officers and everyone concerned to strictly discharge their duties. This Rent Tangay scam has victimized a lot of persons, let us bring those responsible to our courts so that justice will be served,” pahayag ni Aguirre.
Maliban sa tatlo, nauna nang ipinalagay ni Aguirre sa ILBO ang isa pang pinuno ng grupo na si Tychicus Nambio matapos siyang madakip sa Laguna noong isang linggo.
Samantala, inutusan ni Aguirre si Prosecutor General Victor Sepulveda na mag-file kaagad ng kaso at kumuha ng arrest warrants laban sa mga suspek kung may probable cause para usigin sila. (Jeffrey G. Damicog)