Natupad na ang isa pang pangarap ng Kapamilya singer-actor na si JK Labajo, ang makagawa ng pelikula, sa pamamagitan ng kanyang first movie na Tatlong Bibe.
Bida dito ang ABS-CBN child stars na sina Marco Masa, Lyca Gairanod, at Raikko Matteo.
Ano ang role niya sa Tatlong Bibe? “Ako po ang apo nina Lolo Eddie Garcia at ni Mommy Dionisia (Pacquiao). Ako ho yung kumbaga magiging tulay sa kanilang relationship. Kasi ang nangyari sa kanila rito parang they become bitter with each other. So, ako yung parang magiging sugar bridge and I will bring back the happiness and the love between them that has long been gone.”
Kumusta katrabaho ang veteran actor na si Eddie Garcia? “Sobrang galing niyang actor, one of the best actors in the world.
He teaches us on the set. Hindi kasi siya nagdadamot sa alam niya po, sine-share niya yung alam niya. So, parang he became my inspiration. I asked him nga, ‘Ilang movies na po ang nagawa niyo?’ Sabi niya, five hundred plus. Sabi ko, ‘Wow, I want to do that.’’
Ano naman ang masasabi niya kay Mommy Dionisia? “Si Mommy D napaka-cute. Kasi na-meet ko na siya dati sa GenSan when we did a show, nung The Voice Kids pa kami. Ang saya niyang kasama, tapos Bisaya pa, so nagbi-Bisaya kami sa set, tapos hindi nila kami naiintindihan.”
Kasama rin sa cast ng Tatlong Bibe sina Rita Avila, Angel Aquino, Sharlene San Pedro, Victor Neri, Luis Alandy, Edgar Allan Guzman, Ronnie Lazaro, Perla Bautista, at Anita Linda. Produced by Regis Films and Entertainment at sa direksyon ni Joven Tan, ang Tatlong Bibe ay ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula sa March 1. (GLEN P. SIBONGA)