KORONADAL CITY, South Cotabato (PIA) – Pinangunahan ng isang opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cotabato City Chapter ang isang pulong balitaan na nagtalakay hinggil sa kanilang mga serbisyong legal para sa mahihirap na residente partikular na mula sa rehiyon dose.
Ayon kay IBP Cotabato City Chapter Board of Director Atty. Rodolfo Chung patuloy pa rin silang nagbibigay ng libreng serbisyong legal para sa mga indigents, gaya ng serbisyo para sa pagwawasto ng birth certificate, serbisyong legal para sa mga residenteng nahaharap sa kasong kriminal na walang kakayahang magbayad ng abogado para depensahan ang kaso nito. Sa ganitong mga kaso, maari umanong magtalaga ang korte ng abogado na miyembro ng Integrated Bar of the Philippines.
Ayon kay Atty. Chung, handang magkaloob ng libreng legal service ang mga kasamahan niya sa IBP Cotabato City chapter.
Sila ay maaring puntahan sa kanilang chapter office sa Hall of Justice, ORC Compound sa Cotabato City.
Mayroong mahigit 300 na mga miyembro ang IBP Cotabato city chapter, ayon kay Chung. Maari rin umanong pumunta ang mga hihingi ng tulong legal sa mga malapit sa kanilang lugar na chapter ng IBP sa Sarangani, Kidapawan, Cotabato, Sultan Kudarat at South Cotabato-General Santos City.