Bukas ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa panukala na gawing apat na oras lamang, sa halip na walo, ang duty ng traffic enforcers dahil sa mataas na level ng pollution na kanilang nasisinghot habang nagta-traffic sa metropolis.
Sinabi ni MMDA officer-in-charge Tim Orbos na kanilang pag-aaralan kung paano mababawasan ang working hours ng traffic enforcers na ikinakalat sa mga pangunahing daanan sa metropolis.
“We may look into four hours of duty. If that will somehow help traffic enforcers, why not?,” sabi ni Orbos. Ginawa ni Orbos ang pahayag matapos na irekomenda ni Dr. Paul Evangelista, pulmonologist ng Lung Center of the Philippines, na dapat dalawang oras lamang ang duty ng traffic enforcers sa kalye.
Sa kasalukuyang, walong oras ang trabaho ng MMDA traffic enforcers kada araw. Ipinaliwanag ni Evangelista na ang matagal ng exposure sa pollution ay maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng traffic enforcer ng mga sakit na nakakaapekto sa baga, tulad ng bronchitis at pneumonia, na maaring mauwi sa pulmonary cancer.
“About one to two hours that persons that inhale polluted air can cause inflammation of lungs. If people wear high quality protective masks, it may take a few days before they can suffer damage of the lungs,” pahayag ni Evangelista sa isang forum tungkol sa panganib na dulot ng pollution sa kalusugan ng tao. (Anna Liza Villas-Alavaren)