Isang 30-taong gulang na lalaki ang napatay nang makipagbarilan umano sa mga pulis na sumita sa kanya dahil sa pagdadala ng sumpak sa Tondo, Manila, noong isang araw.
Kinilala ng police ang napatay na si Jessie Sucaldito, residente ng Building 34, Aroma Compound. Base sa police report, kasalukuyang nagpa-patrol ang mga miyembro ng Manila Police District Station 1 sa kahabaan ng southbound lane ng R-10 nang makatanggap sila ng report tungkol sa isang insidente ng pangho-holdap sa naturang lugar.
Nang makarating sila ng Aroma Compound, namataan ng mga pulis si Sucaldito na may hawak na shotgun. Tinawag nila si Sucaldito ngunit pinaputukan agad sila nito, sabay takbo patungo sa isang iskinita.
Hinabol ng mga pulis ang suspek at na-corner sa second floor ng Building 33, kung saan tinangka niyang hagisan ng granada ang mga alagad ng batas.
Sa puntong ito, binaril ng mga pulis ang suspek. Dead on arrival si Sucaldito sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center. (Jaime Rose R. Aberia)