Isang eight-year-old boy ang nasawi habang dalawang iba pa ang nasaktan sa isang sunog na lumamon sa tatlong bahay at tatlong junkshops sa isang informal settlers community sa Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay Alex Tantuan Sr., namatay ang kaniyang anak na si Alex Jr. sa sunog na sumiklab sa kanilang bahay sa kanto ng Matapang Street at Banaba Street, Barangay Payatas A, dakong 10:16 a.m.
Sinabi ni Quezon City fire marshal Senior Supt. Manuel Manuel na inaalam pa nila ang sanhi ng sunog na mabilis na kumalat sa iba pang kabahayan. Umabot ito sa third alarm sa loob lamang ng limang minuto.
Naapula ng mga bumbero ang apoy dakong 11:25 a.m.. Nabigo si Tantuan na iligtas ang kaniyang anak na inakala niya noong una na nawawala lamang.
Halos hindi na makilala ang bangkay ng bata nang matagpuan sa nasunog nilang barong-barong, ayon sa fire chief. (Vanne Elaine P. Terrazola)