Dalawang batang magkapatid ang isinugod sa Ospital ng Tondo matapos tamaan ng ligaw na bala habang nasa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Manila, Sabado ng gabi.
Under observation ngayon sina Jazziel Torrente, 5, na nagtamo ng tatlong tama ng bala, at Felix Torrente, 1, na tinamaan ng dalawang bala sa katawan, ayon sa police report.
Base sa imbestigasyon, naglalaro ang dalawang magkapatid kasama ang kanilang inang si Joyce Mondares sa bedroom ng kanilang bahay sa 2952 Dagupan Extension, Barangay 184, nang makarining sila ng sunod sunod na putok ng baril dakong 8:10 p.m.
Napansin na lamang ni Mondares na may tumutulong dugo sa katawan ng kaniyang mga anak. Agad siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay para isugod sa ospital ang mga bata.
Nakuha sa crime scene and walong basyo ng bala ng 9mm pistol na ngayo’y sumasailalim sa cross-matching investigation.
Kasalukuyan pang nagsisiyasat ang police para matukoy ang pinanggalingan ng mga balang tumama sa mga biktima.
(Jaimie Rose R. Aberia)