Suspendido ngayong Lunes ang number-coding scheme para sa lahat ng public utility vehicles sa Metro Manila, kasama ang Makati City, dahil sa strike na ikinasa ng transport groups para i-protesta ang plano ng gobyernong i-phaseout ang mga kakarag-karag na jeepney, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“The Unified Vehicular Volume Reduction Program or number coding scheme is lifted for Public Utility Vehicles only,” pahayag ng MMDA.
Sa ilalim ng number-coding scheme, ang mga sasakyang may license plates na nagtatapos sa numerong 1 at 2 ay bawal pumasada sa major roads tuwing Lunes.
Suspendido rin ang klase sa lahat ng level sa mga pampublikong paaralan sa Makati City. Ang suspension ng mga klase sa private schools ay nakadepende sa desisyon ng school administrations.
Ang tigil pasada ay pangungunahan ng transport group Stop and Go Coalition. Ito ang pangalawang transport strike ng grupo sa loob ng kasalukuyang buwan.
Libo-libong jeepneys at Asian Utility Vehicles ang inaasahang sasama sa protesta na isasagawa sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya.
Sinabi ng MMDA na magbibigay sila ng libreng sakay sa commuters na maapektuhan ng transport strike. (Anna Liza Villas-Alavaren)