KORONADAL, South Cotabato (PIA) – Humanga ang mga opisyal ng United Nations Industrial Development Organization (UNIDO) sa clustered sanitary landfill ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato.
Sa isang pulong kamakailan, iniulat ni Mae Joy Emboltorio, environment management specialist I ng Surallah Municipal Environment and Natural Resources Office na tatlong miyembro ng UNIDO ang bumisita sa clustered SLF sa Barangay Colongulo, Surallah.
Lahat sila pumuri sa prosesong ipinatutupad sa cluster SLF lalung lalo na ang agarang pagtatakip ng nga itinatapong residual waste sa Cell No. 1 ng nabanggit na lugar, ayon kay Emboltorio.
Kabilang sa mga UNIDO environment expert na bumisita sa clustered SLF ay sina National Project Manager Haidie Piniero, Environment Consultant mula AECOM Company na si Roes Elvin Sy Tanco, at Mercibel Pecideras na galing din ng AECOM.
Ang clustered SLF ng South Cotabato ay ginagamit na tapunan ng mga residual waste mula sa mga bayan sa upper valley area ng South. Isa itong Galing Pook awardee.