Inaresto ng police ang isang miyembro ng Manila City Hall Security Force matapos niyang mapatay sa suntok ang kaniyang live-in partner sa gitna ng kanilang pagtatalo sa loob ng kanilang condo unit sa Binondo, Manila, noong Linggo.
Nitong Lunes lamang nadiskubre ng mga kaanak ang bangkay ng 25-taong gulang na si Crestyna Rivera. Ang suspek na nakilalang si Albert Francisco, 29, ay nasa police custody na.
Base sa investigation ni SPO2 Jonathan Bautista, naganap ang insidente sa pagitan ng gabi ng Sabado at madaling araw ng Linggo nang komprontahin ng suspek si Rivera sa loob ng tinitirhan nilang condominium unit sa Numancia Residences, Urbiztondo Street.
“May nakarinig sa kanilang dalawa sumisigaw ‘yung babae, nagmumurahan sila. Nagkalmutan tapos sinuntok naman nang sinuntok sa ulo ‘yung biktima,” sabi ni Bautista.
Matapos ang kanilang away, sinabi ng mga kapitbahay na umalis ng bahay si Francisco at hindi na bumalik. Nang madakip ng police, sinabi ng suspek na hindi niya inaasahan na mapapatay niya sa suntok ang biktima.
Ayon sa mga witnesses, laging nag-aaway ang dalawa dahil sa pagseselos ni Francisco. (Jaimie Rose R. Aberia)