Isang waiter ang binaril at napatay ng isang lalaking nakatakip ang mukha sa harap ng kaniyang live-in partner sa Malabon City noong Martes ng gabi.
Kinilala ni Supt. John Chua, Malabon Police chief, ang biktima na si Oliver Mendoza, 27, ng Kadima Street, Barangay Tonsuya, Malabon.
Ayon sa mga imbestigador, magkasamang naglalakad sina Mendoza at kaniyang partner na si Leslie Jagacijas sa Kadima St., Barangay Tonsuya, dakong 5:15 p.m. nang biglang lumitaw ang isang nakamaskarang lalaki na bumunot ng baril at pinaputukan ng ilang beses ang biktima.
Sinabi ng mga testigo na tumakbo ang salarin patungong Kadima Plaza sa Barangay Tonsuya matapos ang pamamaril. Isinugod si Mendoza sa Pagamutang Bayan ng Malabon kung saan ideneklara siyang dead on arrival.
“The victim is clean.
He has no criminal records,” sabi ni Chua. Tinitingnan ng police ang anggulo na may kinalaman sa pag-ibig ang pagpatay dahil napag-alaman nila katatapos lamang ni Jagacijas sa isang seryosong relasyon nang sumama sa biktima tatlong buwan na ang nakararaan.
Suspetsa ng mga imbestigador na isa sa mga dating lovers ni Jagacijas ang pumatay sa waiter. (Jel Santos)