ANTIPOLO, Rizal (PIA) – Opisyal na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang Antipolo City Anti-Drug Abuse Office (ACADAO) para sa mas maigting na kampanya laban sa droga at krimen.
Layunin ng naturang opisina na magsilbing katuwang ng pamahalaang lokal at Antipolo City Anti-Drug Abuse Council (ACADAC) sa kampanyang “Tayo Na Kontra Droga”.
Sinabi ni Antipolo City Mayor Jun Ynares na mas malakas na pwersa ang kailangan upang labanan ang droga kung kaya’t itinayo ang ACADAO.
Aniya, malaking tulong ang pagkakatayo nito upang mas mapaigting ang koordinasyon ng pamahalaang lokal, mga barangay at iba pang ahensya na may kinalaman sa droga.
Kabilang sa mga karagdagang tungkulin nito ang Profiling and Survey, Monitoring of Compliance ng business establishments at Monitoring of Community-Based Rehabilitation Program (CBRP).
Isa din sa mga esponsibilidad din ng naturang opisina ang pagmo-monitor ng regular na pagsusumite ng ulat ng mga aktibidad ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) at iba’t ibang seminars ukol sa iligal na droga.