Nagpalipas ng gabi ang mga pinatalsik na miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na sina Angel Manalo at Lottie Manalo-Hemedez, magkapatid, sa Quezon City Police District (QCPD) headquarters matapos silang dakipin kasama ang 30 iba pa sa kanilang bahay sa No. 36 Tandang Sora, Quezon City.
Nakumpiska sa naturang lugar ang iba’t ibang baril. Si Manalo, Hemedez at iba pang pinatalsik na INC members ay ikinulong sa QCPD District Public Safety Battalion (DPSB) office sa Camp Karingal matapos makuha ng police sa kanila ang iba’t ibang kalibre ng baril. Sinabi ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar na inimbitahan nila ang 32 residente, kasama ang dalawang binatilyo, mula sa pinag-aawayang compound para tanungin sa armory na nakita sa kanilang lugar.
Inaalam din ng pulisya kung sino ang nagpaputok ng baril na ikinasugat ng dalawang pulis habang isinasagawa ang pagsalakay sa lugar na iyon, ayon kay Eleazar.
Tinamaan ng bala si PO2 Henry Escular sa kaliwang balikat at si PO3 Joner Adasan sa binti nang may magpaputok ng baril habang isinasagawa ang operasyon.
Kasalukuyang ginagamot ang dalawang pulis sa St. Luke’s Medical Center sa E. Rodriguez Avenue. Sinabi ng QC police chief na nakumpiska sa building ang isang shotgun, M-16 rifle, carbines, rifle grenade, .40-caliber pistol at 104 bala para sa iba’t ibang baril.
Naglabas ng search warrant si Quezon City Regional Trial Court Judge Angeline Quimpo-Sale of Branch 106 laban kina Manalo, Hemedez at iba pa nilang kasama matapos magreklamo ang tatlong stay-in security guards sa INC compound na pinaputukan sila ng baril ng mga nakatira sa building na iyon noong Lunes ng hapon. (Vanne Elaine P. Terrazola)