Lubos ang kasiyahan ni Sylvia Sanchez na bukod sa istorya ng karakter niyang si Gloria at ng mga anak nito sa pinagbibidahan niyang ABS-CBN afternoon teleseryeng “The Greatest Love” ay naa-appreciate din ng mga manonood ang tambalan nila ni Nonie Buencamino, na gumaganap na Peter.
“Nakakatuwa ’yung mga komento at feedbacks na natatanggap namin tungkol kina Gloria at Peter. Kasi talagang kinikilig sila sa love story ng dalawa. Biruin mo dahil sa pagmamahal ni Peter kay Gloria ay handa niyang alagaan ang mahal niya sa kabila ng pagkakaroon nito ng Alzheimer’s disease. Thank you sa mga nagmamahal kina Gloria at Peter,” sabi ni Sylvia.
Kinilig ang mga manonood nang sa isang eksena ay mismong si Gloria ang biglang nag-propose kay Peter: “Pakakasalan mo ba ako?”
Nauwi nga ito sa engagement ng dalawa.
Bagama’t hindi pa natutuloy ang kasal nila dahil sa sunud-sunod na trahedyang nangyari gaya ng pagkasunog ng bahay nina Gloria, sinusu-baybayan pa rin ng mga manonood ang pag-aalagang ginagawa ni Peter kay Gloria lalo na ngayong lumalala at dumadalas ang pag-atake ng sakit nito.
Samantala, natanong pa namin si Sylvia kung kumusta naman katrabaho at ka-loveteam si Nonie? “Ka-loveteam talaga?”
sabay tawa ng magaling na aktres. “Kami naman ni Nonie pareho na kaming matagal sa industriya. Ilang beses na rin kaming nagkatrabaho, so alam na namin kung paano magtrabaho ang isa’t isa. Bago pa itong The Greatest Love, nagkasama na kami sa My Super D. Although dito sa The Greatest Love talagang bahagi ng kuwento yung love story nina Gloria at Peter. Natutuwa ako at natutuwa rin si Nonie na nagugustuhan ng mga tao yung tambalan namin pati ang istorya nina Gloria at Peter.”
Mapapanood ang The Greatest Love mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng The Better Half sa ABS-CBN.
(Glen P. Sibonga)