Labis na ikinalungkot ni Daniel Matsunaga ang nangyari sa relasyon nila ni Erich Gonzales. Hanggang ngayon daw ay nahihirapan pa rin siya sa paghihiwalay nila.
“Siyempre po mahirap lahat ng pinagdadaanan ko, di ba? Siyempre I love the person. It’s just sad cause in the end we had a misunderstanding and the people really got affected, and even our families got affected and everything.”
Ito ang bahagi ng naging sagot ni Daniel nang matanong sa grand presscon ng bagong talent reality show ng ABS-CBN, ang “I Can Do That”, kung ano ang mas mahirap – ang pagharap sa challenges sa show o ang mag-mend ng broken heart.
Pero ayon kay Daniel, mahirap din daw ang challenges sa show. Kaya sa halip na magpakalunod sa lungkot sa kinahinatnan ng love story nila ni Erich, gusto niya munang pagtuunan ng pansin ang kanyang career ngayon lalo na sa pagharap sa mga hamon ng “I Can Do That”.
“Mahirap din ’yung show. At this time siguro mag-focus muna ako dito, sa trabaho muna, and sa career. Career ko muna and family,” ani Daniel.
Isa si Daniel sa walong Kapamilya celebrities na tinaguriang I CANdidates, na magpapagalingan upang makuha ang titulong Greatest Entertainer. Kasali rin sina Cristine Reyes, Arci Muñoz, Pokwang, Sue Ramirez, Gab Valenciano, JC Santos, at Wacky Kiray. Binibigyan lang sila ng isang linggo para pag-aralan ang unique act nila bago nila ito i-perform.
Hosted by Robi Domingo and Alex Gonzaga, ang “I Can Do That” ay mapapanood tuwing Sabado at Linggo sa ABS-CBN simula sa March 11 at 12. (Glen P. Sibonga)