Tumataas ang bilang ng mga taong tumatawid sa maling tawiran sa kabila ng paglalagay ng mga road signs sa accident-prone areas, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni Dong Galang, MMDA anti-jaywalking unit head, na binabalewala na ng pedestrians ang “Bawal Tumawid, May Namatay na Dito” road signs na inilagay sa mga delikadong kalye.
“The number of violators seemed to be increasing,” pahayag ni Galang sa dzBB radio program ng ahensiya. Base sa kanilang monitoring, sinabi ni Galang na may 2,943 katao na ang kanilang hinuli sa pagpapatupad ng pinaigting na kampanya laban sa jaywalking mula January 1 hanggang February 17 ng taong ito.
Ang mga dinakip dahil sa palabag sa anti-jaywalking rule ay pinagmulta ng P500 o pinagawa ng community service. Ayon kay Galang, marami sa mga naaresto ang piniling sumailalim sa community service o maglinis ng mga canal sa halip na magbayad ng multa.
“Our schedule to clean esteros is once a month. We gather caught jaywalkers in Barangay Ususan in Taguig where there is a long creek to clean,” sabi ni Galang.
Pinaalalahanan din ng MMDA ang publiko na sa ilalim ng bagong policy, ang mga pangalan ng jaywalkers ay ipapadala sa National Bureau of Investigation (NBI) para maisama sa alarm list o red flag kung iiwasan nilang bayaran ang kaukulang multa.
“Seven days upon receipt of the ticket, you will receive a notice of settlement. If you do not pay P500 fine, a notice of appearance will be sent to you,” dagdag pa ni Galang. (Anna Liza Villas-Alavaren)