TANAUAN CITY, BATANGAS (PIA) – Ganap na batas na sa lungsod na ito ang City Ordinance 2017-05 na nagtatakda ng palagiang paglilinis ng mga kanal o drainage na nasa bisinidad ng lungsod.
Layunina ng ordinansa na mapanatili ang kalinisan sa lungsod lalo na at tuwing buwan ng Marso ay ipinagdiriwang ang cityhood nito.
Ang ordinansa na iniakda ni Konsehal Joseph M. Castillo ay nagtatakda din ng “Adopt A Drainage Area” kung saan tuwing unang Lunes sa bawat quarter ng taon ay sabay-sabay ang gagawing paglilinis ng mga kanal.
Bahagi ng ordinansa na hindi lamang ang mga opisyal sa mga lugar na may lilinising kanal ang kikilos upang tumugon sa kautusan bagkus ay oobligahin din ang lahat ng establisimyento o korporasyon, eskwelahan at mga residente na may kalapit na drainage na makiisa sa sama-samang paglilinis at pagsunod sa wastong pangangasiwa ng basura.
Kaugnay nito, iniatas sa mga konseho ng barangay ang pagtatalaga ng “drainage cleaners” sa barangay kung saan ang ABC President at ang mga punong barangay ang magsusuperbisa kung nasusunod at naiipatupad ang ordinansang ito sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon kay Gerard Laresma, city information officer, isinusulong ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng clean and green program sa lahat ng barangay na nasasakop ng lungsod kung saan layon nitong tuluyang maisulong ang isang kaaya-aya at malinis na barangay kaakibat ng malusog na pamayanan.
“Dati nang ginagawa sa lungsod ang paglilinis pero hindi naiisama ang mga drainage o kanal kaya ngayon ay isinama na ito bukod sa may ordinansa na ay isinama na din ito sa criteria para sa clean and green program,” dagdag pa ni Laresma.