Isang babaeng lasing ang nasawi matapos siyang mahulog mula sa isang footbridge sa Pasay City noong nakaraang Linggo. Dead on arrival sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Leah Sabadlay, 33, stay-in househelper sa Guadalupe, Makati City, dahil sa tinamong head fracture, ayon sa police report.
Base sa initial investigation, naganap ang insidente dakong 9:30 p.m. habang papauwi ng bahay si Sabadlay kasama ang kaniyang partner na si Edgar Baldios, 45, matapos makipag-inuman sa mga kaibigan sa Rotunda, Pasay.
Sinabi ng police na habang naglalakad ang dalawa sa footbridge sa Rotunda, biglang huminto si Baldios para bumili ng sigarilyo sa isang vendor at hinayaang maunang maglakad si Sabadlay.
Nang mamalayang mag-isa lang siyang naglalakad, humilig si Sabadlay sa metal railings ng footbridge habang hinihintay ang kaniyang partner. Sa puntong ito nahulog ang babae mula sa 14-foot footbridge. (Martin A. Sadongdong)