CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Ipinamahagi kamakailan ng pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (ProVet) ang 5,000 broiler chicks sa mga benepisyaryong Farmers Association partikular ang mga Livestock Raisers Association (LRA) sa lalawigan.
Kinatawan ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. sa pagkakaloob ng broiler chicks sina Provincial Administrator Nelson B. Melgar, Executive Assistant I Stefanie Sue Umali at Provincial Veterinarian Dr. Grimaldo Catapang.
Ang ipinamahaging broiler chicks na nagkakahalaga ng P200,000 ay pag-alalay sa mga humingi ng tulong na LRA sa pamahalaang panlalawigan upang mabigyan ng mapagkakakitaang may mabilis na balik-puhunan. Maliban sa mga sisiw, kasama rin sa ipinagkaloob ang multivitamins at electrolytes.
Samantala, itinagubilin ni Dr. Catapang sa mga benepisyaryo na sana’y paramihin ang mga ipinamahaging broiler chicks at maging dagdag na kabuhayan sa mga ito.