Buo ang loob ni Pokwang na makipagtagisan ng galing sa mga mas batang celebrity participants ng bagong ABS-CBN talent reality show na “I Can Do That”, kahit pa siya ang pinakamatanda sa mga ito sa edad na 46. Handa raw siyang makipagsabayan kina Cristine Reyes, Arci Muñoz, Sue Ramirez, Daniel Matsunaga, Gab Valenciano, JC Santos, at Wacky Kiray.
“Alam mo ’yung dumadagdag ang edad mo pero pabata nang pabata ’yung kaya mong gawin. Kung kaya niyo, mas kaya ko, ganun,” sabi ni Pokwang.
Sa stature niya ngayon sa showbiz parang hindi na niya kailangang sumali sa ganitong show. Paano siya nakumbinsi na sumali? “Ganito po iyan, nung pinitch po sa akin ’yung show, na in fairness naman po talaga nung marinig ko ang ganda. And then lalabas po ako sa kahon bilang artista. Hindi na lang po iyong nakikita niyo na nanay na nagpapaiyak, nagpapatawa. And this time kakaibang Pokwang… ‘Ay, baliw itong babaeng ito. Paano niya nagawa iyon?’ May ganun. At my age I’m proud of it!”
Hindi raw madali ang mga hamong ginagawa nila sa “I Can Do That”. “Yung alam niyo yung umiiyak kami sa pagod dito, sa inis, nauubusan na kami ng pasensiya.”
Hindi ba siya pinigilan ng boyfriend niyang si Lee O’Brian sa pagsabak niya sa ilang delikadong acts? “Siyempre nag-alala sa akin, ‘Kaya mo ba iyan, Babe?’ Sabi ko, ‘Ano ka ba naman, meron ba kong hindi kinaya sa buhay?’ Nag-aalala naman siya. Siyempre unang-una gusto niyang magka-baby pa kami. E paano nga, di ba? E gusto ko ‘tong gawin e. Huwag nga siyang umarte,” biro pa ni Pokwang.
Hosted by Robi Domingo and Alex Gonzaga, ang “I Can Do That” ay mapapanood tuwing Sabado pagkatapos ng “Maalaala Mo Kaya”, at tuwing Linggo pagkatapos ng “Rated K”, sa ABS-CBN simula sa March 11 at 12. (Glen P. Sibonga)