Umapela ang isang anti-crime and corruption group sa Supreme Court (SC) na siguruhing walang special treatment na ibinibigay kay Senator Leila de Lima habang nakakulong dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.
Ipinahayag ni Dante Jimenez, founding chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption, sa kaniyang liham kay SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kaniyang pagkadismaya sa nakikitang “extremely unfair special treatment” na tinatamasa ni De Lima sa loob Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.
Kinuwestiyon ni Jimenez ang pagkulong kay De Lima at iba pang mayayaman at maimpluwensiyang personalidad sa pasilidad na hindi sakop ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“In our humble research and inquiries from experts in the field of law, we find no concrete basis under existing laws or procedure to sustain or validate such an apparently undue classification. It can be no less than special treatment,” sabi ng VACC leader.
Ang co-accused ni De Lima na si dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos ay nakakulong sa National Bureau of Investigation (NBI) headquarters habang ang dating driver-bodyguard ni De Lima na si Ronnie Dayan ay nakapiit sa Muntinlupa City Jail. (Chito Chavez)