Patay ang isang 24-taong gulang na lalaki matapos siyang masagasaan ng isang truck ng semento sa Marikina City noong Lunes.
Kinilala ni SPO1 Florianico C. Layao , officer on case, ang biktima na si Mikael Cajalne, residente ng Stephen Lorenso Apt. D Majestic, Barangay Concepcion Uno, Marikina City.
Base sa initial investigation, binabagtas ng biktima ang J.P. Rizal malapit sa Mithi St. sakay ng kaniyang motorsiklo dakong 1 a.m. nang mabangga siya ng truck (NUY 400) na minamaneho ni Melvin Turtugo, 34, nakatira sa Barangay Sampalok Apalit, Pampanga.
Dahil sa lakas ng bangga, nahulog mula sa motorsiklo ang biktima ang bumasak sa ilalim ng truck.
Isinugod ni Turtugo ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit dead on arrival siya doon.
Nangako si Turtugo na sasagutin niya ang lahat na gastusin sa pagkamatay ng biktima.
Ayon kay Vangie Cajalne, ina ng biktima, papauwi na kaniyang anak nang maganap ang aksidente. Nalaman na lamang niya ang nangyari sa kaniyang mga kapitbahay. (Madelynne Dominguez)