Tatlong empleyado ng Mighty Corporation, isang tobacco company, ang inaresto ng mga tauhan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Paranaque City noong Miyerkules ng hapon dahil sa pagtatapon ng kahon-kahong sigarilyo sa isang dumping site.
Dinakip si Elmer Quintero, 46, driver ng L300 closed van na ginamit para dispatsahin ang mga sigarilyo; at dalawang porters na sina Junmar Luna at John Ray Linatoc sa isang dumpsite sa Dra. A. Santos Avenue, Brgy. San Dionisio, Paranaque.
Ayon kay Bernie Amurao, CENRO-Paranaque chief, inaresto sina Quintero, Luna at Linatoc matapos mahuli sa aktong nagtatapon ng 20 kahon na naglalaman ng daan-daang pakete ng sigarilyo dakong 5 p.m.
Bago naaresto, nakita ng mga residente ang mga suspek na itinatapon ang dalawang kahon ng sigarilyo sa dumping site dakong 1 p.m. Lingid sa kanilang kaalaman, itinawag ng mga residente ang kanilang nakita sa CENRO at Traffic Management Enforcement Unit, na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlo.
“Hindi pwede ito dahil hindi naman sila residente dito, kinalat lang nila ‘yung mga basura nang walang pakundangan,” sabi ni Amurao.
Sinabi ni Chief Inspector Allan Abaquita, head ng Paranaque police investigation unit, na nilabag ng tatlong suspect ang Presidential Decree No. 825 o Improper Disposal of Garbage. (Martin Sadongdong)