LUCENA CITY, Quezon (PIA) – Nilinaw ni Regional Development Council Vice Chairperson NEDA Director Luis Banua sa idinaos na press conference sa lungsod na ito kamakailan na hindi naiiwan ang lalawigan ng Quezon pagdating sa kaunlaran at industriyalisasyon.
Ayon kay Dir. Banua may mga programang inihahanda ang National Economic Development Authority (NEDA) para sa lalawigan katulad ng pagpapasigla ng turismo gayundin ang paglalagay ng mga processing plant dahil kilala ang lalawigan ng Quezon bilang agricultural land o may malaking lupaing agrikultural
Ayon pa sa ibang mga mga opisyal ng RDC na dumalo sa press conference, mas malaki ang kikitain ng mga magsasaka kung ang kanilang mga produkto ay dadaan sa processing plant.
Inihayag naman ni Dir. Maria Zenaida Campita ng Department of Labor and Employment (DoLE) Region-4A ang kanilang ibinigay na tulong sa mga bayan sa Quezon kagaya ng pagpapaunlad ng proyektong coco-sugar production sa bayan ng Alabat na malaki ang naitutulong sa mga magsasaka ng niyog upang kumita sa paggawa ng coco-sugar at iba pang mga produkto mula sa niyog.