Sinampahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng tax evasion cases ang tatlong retail outlet operators dahil umano sa pagbebenta ng sigarilyo na may pekeng stamps.
Sa magkahiwalay na reklamong isinampa sa Manila prosecutor’s office, kinilala ni Manila Revenue Regional Director Arnel Guballa ang respondents na sina Samson Bargan Sy ng Dongnanya Mini Mart sa Benavidez St., Sta. Cruz; Kareene Villanueva ng Keisha Mart, at Henderson Jacla ng Min-Shun Trading na matatagpuan sa Ongpin St., Sta. Cruz.
Ang tatlong tindahan ay ilang linggong minanmanan dahil umano sa pagbebenta ng untaxed cigarettes.
“Pursuant to separate mission orders issued and received by the subject taxpayers, cigarettes not bearing the required tax stamps were confiscated,” sabi ni Guballa.
Tinatayang nasa mahigit 300,000 ang halaga ng nakumpiskang kontrabando.
Ang reklamo ay isinampa bilang bahagi ng run-after-tax-evaders (RATE) program ni BIR Commissioner Caesar R. Dulay.
Samantala, ni-reshuffle ni Dulay kahapon ang revenue regional legal chiefs para palakasin ang RATE. (Jun Ramirez)