Sa mundo ng trabaho, sila ang itinuturing na ‘at risk’ o ang mga kabataang Pilipino na may maliit na pagkakataon sa mga produktibong trabaho at kinakailangan pa ng dalawa hanggang apat na taon bago makatungtong sa kanilang unang regular na trabaho.
Gayunman, sa tulong ng three-phase full-cycle employment facilitation service ng programang JobStart ay mabilis na silang nakahahanap ng trabaho na magbibigay ng tiyak at maayos nilang kinabukasan.
Sila ang 584 na magtatapos sa JobStart at mayroon nang maayos na papasukan matapos nilang sumailalim sa life skills training at technical training at tuluyan nang natanggap o naabsorb bilang mga regular na empleyado, o nakahanap ng trabaho sa ibang mga employer.
Sila ay paparangalan ng Department of Labor and Employment (DoLE), katuwang ang Asian Development Bank (ADB) at ang gobyerno ng Canada, sa kanilang seremonya ng pagtatapos na gaganapin sa University of the Philippines-Bahay ng Alumni.
Kikilalanin rin ng DoLE sa seremonya ang mga lumahok na employer sa JobStart, maging ang Public Employment Service Offices (PESOs).
Ang JobStart ay programa ng DoLE, ADB, at ng Canadian International Development Agency (CIDA), na naglalayong maparami ang mga kabataang magkakaroon ng maayos na trabaho at mabigyan sila ng technical at life skills training. (PIA)