Kalaboso ang bagsak ng isang illegal recruiter matapos siyang madakip ng mga miyembro ng Las Piñas City police sa isang entrapment operation noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa police report, inaresto si Analili Delfino dakong 9 p.m. sa loob ng isang fast food chain matapos siyang ireklamo ni Florence May Paycana, isa sa kaniyang mga ni-recruit para magtrabaho sa ibang bansa.
Kaagad na pinosasan si Delfino nang tanggapin niya ang R10,000 cash kay Paycana.
Napag-alaman na nagpakilala si Delfino bilang agent ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at nangakong tutulungan si Paycana na makapagtrabaho sa ibang bansa bilang factory worker noon taong 2014.
Sinabi ni Paycana sa police na nakakolekta si Delfino sa kanya ng mahigit R200,000. Makaraan ang isang taon, sinabi sa kaniya ni Delfino na hindi naaprubahan ang kaniyang application para sa trabaho abroad.
Huli na nang malaman ni Paycana sa Philippine Overseas Employment Agency na ang Lapcon Human Resource Management ng suspect ay walang lisensiya para mag-recruit.
Nahaharap ang suspect sa mga kasong stafa illegal recruitment at usurpation of authority. (Jean Fernando)