Puro papuri ang binibigay ng indie actor na si Ronwaldo Martin sa kanyang kuya na si Coco Martin dahil sa pagiging mabait na tao nito.
Hindi raw nito pinapabayaan ang kanyang pamilya at provided daw lahat ng pangangailangan nila.
Kuwento pa ni Ronwaldo na ang kanyang Kuya Coco ang humahawak ng mga kinikita niya sa mga indie films. Si Coco ang nagbukas ng savings account para sa kanya para magkaroon ito ng ipon sa bangko.
“Allowance lang po binibigay ni kuya sa akin.
“Kapag may kailangan ako, sinasabi ko po sa kanya at magbibigay siya ng pera na galing sa kanya. Hindi niya ito kukunin sa savings ko.
“Gusto ko rin po na siya ang humawak ng pera ko kasi waldas po ako, eh.
“Kapag nakantiyawan ako ng mga kaibigan ko, mabilis akong manlibre sa kanila.
“Sabi ni Kuya Coco, walang masama sa manlibre sa kaibigan, pero dapat may limit. Hindi raw kasi araw-araw Pasko.
Kailangan maging maingat ako sa mga kinikita ko,” ngiti pa niya.
Good boy si Ronwaldo dahil alam niyang istrikto ang kanyang Kuya Coco.
“Noon kasi pasaway ako, kaya parati akong napapagalitan ni kuya.
“Ngayon at medyo nag-mature na po ako, hindi na ako napapagalitan.
“Pinagsasabihan na lang niya ako na pangalagaan ko ang sarili ko kasi kilala na ako bilang artista.
“Kahit na sobrang busy siya at hindi namin siya madalas na makita, nagpapaalala pa rin siya sa amin through text or tawag.”
Marami nang indie films na nagawa si Ronwaldo na napadala na sa iba’t ibang film festivals. Isa na rito ang “Pamilya Ordinaryo” na nanalo na ng maraming awards.
Ngayon ay kasama sa cast si Ronwaldo sa Sinag Maynila Film Festival entry na “Boy Intsik” kunsaan bida si R.S. Francisco at mula sa direksyon ni Joel Lamangan. (Ruel J. Mendoza)