MALOLOS (PIA) – Natapos na ng Japan International Cooperation Agency o JICA ang ginawang feasibility study para sa North-South Commuter Railway Project.
Iyan ang kinumpirma ni Cherry Mercado, tagapagsalita ng Department of Transportation, sa isang inspeksyon sa ginagawang NLEX-North Harbor Link Elevated Expressway.
Sa ilalim ng ginagawang elevated expressway dadaan ang naturang proyekto mula Caloocan hanggang Valenzuela.
Pagdating naman sa Karuhatan, Valenzuela hanggang sa Malolos ay elevated na ito.
Malapit na rin aniyang matapos ang detailed engineering design kung saan eksaktong itatayo ang mga istasyon ng tren sa mga bayang dadaanan nito.
Dalawang riles na salubungan ang gagawin mula sa Malolos sa Bulacan hanggang sa Tutuban sa Maynila na may habang 38 kilometro.
Binigyang diin pa ni Mercado na gustong makumpleto ni Pangulong Duterte ang proyektong ito bago matapos ang kanyang termino sa 2022.