Hinuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 377 truck drivers dahil sa paglabag sa uniform light truck ban sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (Edsa) at Shaw Boulevard, karamihan sa kanila ay hindi alam ang bagong patakaran.
Sa first day ng implementasyon ng truck ban, hinarang ng traffic enforcers ang mga light trucks na patuloy na dumaan sa Edsa at Shaw Boulevard mula 6 a.m. hanggang 10 a.m..
Binigyan ang 377 violators ng traffic violation tickets na may karampatang P2,000 multa. Umabot sa P754,000 ang halaga ng nakolektang multa.
Hindi rin pinalagpas ang mga truck na may dalang perishable good dahil walang naipakitang exemption certificate.
Para maging exempted sa ban, ang mga truck ng perishable goods ay kinakailangang kumuha ng certification mula sa Department of Agriculture kabilang ang official receipt ng sasakyan at certificate of registration.
(Anna Liza Villas-Alavaren)