Patay ang isang 33-taong gulang na jeepney barker nang barilin sa ulo habang natutulog sa pagitan ng kaniyang live-in partner at ng kanilang dalawang taong gulang na anak sa loob ng barong-barong sa Luzon Avenue, Barangay Culiat, Quezon City, dakong 5 a.m. kahapon.
Nagawa pang gisingin ng biktimang si Riopoldo Evarley ang kaniyang partner na si Mamitas Moloboco bago siya nalagutan ng hininga dahil sa tama ng bala sa ulo.
Ayon kay Senior Inspector Elmer Monsalve, chief ng Quezon City Police District homicide section, nakita ng isang electrician ang dalawang lalaking naka-helmet na tumakbo palayo sa barong-barong ng biktima bago tumakas sakay ng isang motorsiklo.
Na-recover ng crime scene investigators sa loob ng bahay ni Evarley ang isang basyo ng .45-caliber pistol.
Sinabi ni Monsalve na maaaring gumamit ng suppressor ang gunman dahil walang narinig na putok ng baril nang patayin si Evarley.
Inamin in Moloboco sa mga pulis na gumamit ng droga ang kaniyang asawa at hindi sumuko sa awtoridad.
Sinbai naman ni Monsalve na inaalam pa nila kung kasama si Evarley sa drug watchlist.
Nalaman ng mga imbestigador na nagtayo ang pamilya ng biktima ng makeshift home sa sidewalk matapos silang palayasin sa boarding house dahil hindi makabayad ng renta anim na buwan na ang nakakaraan.
Kasalukuyang nagtatrabaho si Moloboco bilang housemaid. Si Evarley ay isang jeepney barker noong siya’y nabubuhay pa. (Vanne Elaine P. Terrazola)