Isang 51-taong gulang na Canadian ang umano’y nagbigti sa loob ng isang hotel room sa Quezon City noong Lunes ng hapon.
Natagpuang nakabitin si Mark Timothy Miller sa comfort room ng isang silid sa Orchard Road sa Eastwood City, Barangay Bagumbayan, dakong 4:45 p.m.
Nag-iwan siya ng isang note na ipinaaalam sa hotel staff na nasa loob siya ng comfort room ng kuwarto na kaniyang inakupahan, ayon sa police.
Sinabi sa police ni Agatha Rebadulla na inalam nila ang kalagayan ni Miller sa kanyang kuwarto dahil hindi siya sumasagot sa mga tawag ng housekeeper para sa regular cleaning.
Kasama ang isang security officer, pumasok si Rebadulla sa silid ng biktima at nakita nila doon ang isang note na may nakasulat na mensahe: “Please be advised my body is in the bathroom.”
Nang pumunta sila sa comfort room, natagpuan nila ang hubad na katawan ni Miller na nakabitin mula sa bisagra ng pintuan at may nakapulupot na cable sa leeg.
Agad nilang ipinagbigay alam ang insidente sa pulisya. Nalaman ng police na nag-check in si Miller sa hotel noong Linggo, dakong 7:11 p.m.
Walang sinyales na forced entry sa kuwarto ng biktima, base sa police report. Dinala ang bangkay ni Miller sa Light Funeral Homes. (Vanne Elaine P. Terrazola)