Patay ang isang holdaper nang manlaban umano sa mga pulis na humabol sa kanya matapos niyang tutukan ng baril at hablutin ang bag ng isang babae sa Paranaque City noong Lunes ng gabi.
Inaalam pa ng police ang pangalan ng napatay na suspect na nakasuot ng black t-shirt, dark gray short pants at tsinelas.
Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, naganap ang insidente sa kahabaan ng C-5 Extension, Barangay San Dionisio, Paranaque City.
Sinabi ni Modequillo na bago naganap ang insidente, tinutukan ng suspect ang isang babae ng baril at sabay agaw sa kaniyang handbag sa harap ng isang coffee shop.
Kaagad na humingi ng tulong ang babae sa paparating na patrolling police na mabilis namang rumesponde. Namataan ng mga alagad ng batas ang suspect sa madilim na bahagi ng C-5 Extension.
Nang makita ang mga paparating na pulis, biglang bumunot ng .38-caliber ang suspect at pinaputukan sila. Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspect. (Jean Fernando)