Nagbago raw ang pananaw sa pakikipagrelasyon ng Kapamilya actor na si JC Santos nang makilala niya ang kanyang theater actress girlfriend na si Teetin Villanueva.
“Bago ko siya nakilala yung mga ganitong type ng girls ang iniiwasan ko. Kasi alam kong hindi ko mapapasagot ang ganitong goody girls. Sabi ko parang masyadong mabait si Teetin, siya yung the girlfriend material, yung pwedeng-pwede mong maging asawa. Lagi akong nandoon lang sa fling side and dating. So sabi ko, sige try ko namang magbago ng point of view in life. Tapos pinahirapan niya ako, niligawan ko siya. Hindi ako sanay manligaw, hindi ako marunong, pero ayun,” pag-amin ni JC nang maging guest sila ni Teetin sa ABS-CBN morning talk show na Magandang Buhay.
Nagkakilala sina JC at Teetin sa University of the Philippines, kung saan pareho silang aktibo sa teatro. Hindi pa man daw sila magkakila ay napapanood na nila ang isa’t isa sa mga play. Sa teatro nagsimula si JC bago siya naging artista sa telebisyon at pelikula.
May rebelasyon pa si Teetin tungkol sa nobyo. Nagdalawang-isip daw siya noon na sagutin ang aktor dahil sa reputasyon nito na pagiging playboy. “Noong na-meet ko siya parang may wall na ako, as in sobrang kapal na wall na kahit natutuwa ako ay sungit-sungit lang, ganun.”
Singit naman ni JC, “Effective naman kasi na-challenge ako. At saka marami ang nagsasabi sa kanya na huwag si JC.
Kasi kung gaano ako ka-bad boy dati, kaya sinasabi nila na huwag naman si Teetin, kasi napakabait niya.”
Paano napasagot si Teetin? “Siguro kasi kahit noong first time naming lumabas together, ilang oras kami na usap lang kami nang usap. So, ang comfortable namin with each other. Tapos never niya sa akin pinaramdam na lolokohin niya lang ako,” ani Teetin.
Sa Hunyo ay ipagdiriwang nina JC at Teetin ang kanilang ika-apat na anibersaryo.
Bukod sa tell-all interview, hinarana pa ni JC si Teetin sa Magandang Buhay at inawit ang Ewan ng Apo Hiking Society.
Suportado rin ni Teetin ang gumagandang showbiz career ngayon ni JC. Napapanood ang aktor sa ABS-CBN reality talent show na I Can Do That tuwing Sabado at Linggo. Kasama rin siya sa cast ng upcoming Kapamilya teleseryeng Victims of Love with Julia Montes, Angelica Panganiban, Paulo Avelino, Cherry Pie Picache, at Lorna Tolentino. (Glen P. Sibonga)