Pinayuhan ng Bureau of Customs (BoC) kahapon ang publiko na iwasang makipag-deal sa isang lalaking nagpapanggap na kamag-anak ni President Duterte.
Nagbabala si Customs Commissioner Nicanor Faeldon laban sa business proposals ng isang nagngangalang Ariel Roselle Victorino na may kinakaharap na mga kaso ng extortion at panloloko sa iba’t ibang korte.
Bukod sa pagkakasangkot sa extortion at iba’t ibang scams, ipinapakilala rin ni Victorino ang sarili bilang kapalit ni Faeldon, ayon sa report.
Napag-alaman na nakapag-produce si Victorino ng isang liham na umano’y pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nagsasabing siya ang uupo sa pwesto ng BoC chief.
Ginagamit din ni Victorino ang pangalang Ariel Roa Victorino habang ipinagpaparangalan na kamag-anak niya si President Duterte.
Base sa National Bureau of Investigation records, naaresto na noon si Victorino kasama ang isang Hershey Victorino dahil sa panloloko sa limang US visa applicants.
Noong June 2013, inakusahan si Victorino ng pangingikil sa garbage contractors habang nagpapanggap na chief ng Manila Department of Public Service. (Betheena Kae Unite)