MISMONG si Pia Wurtzbach na mismo ang tumangging siya na nga ang gaganap bilang Darna sa pelikula. Ito ay nang makapanayam siya ng ilang media sa ginanap na press presentation ng Binibining Pilipinas 2017 sa Novotel Manila sa Cubao, Quezon City kamakailan lang.
Ayon kay Pia, laking pasasalamat niya kung marami ang nagkakagusto at nagsasabing siya ang gusto ng mga taong pumalit sa iniwang puwesto ni Angel Locsin sa palipad bilang Darna, pero hindi raw niya nakikita ang sarili niyang gagawin nito ang Star Cinema film project, dahil ang alam daw niya ay may ibang plano sa kanya ang ABS-CBN, na kumukuha ng services niya on television projects soon.
“Nagpapasalamat po ako kung ako ang napupusuan ng marami, pero hindi po ako eh. I think, may ibang plans ang ABS-CBN for me,” sabi ng 3rd Pinay Miss Universe sa press.
Matatandaang dahil sa medical condition ni Angel, ayon na rin sa official statement ng pamunuan ng Kapamilya network at ng Star Cinema, hindi na magagawa ng aktres ang pinakaaabangang role ng kanyang fans. May “disc bulge” umano sa kanyang spine (o likod), dahilan upang finally ay magdesisyon ang Star Cinema na tanggalin na si Angel sa Darna role.
Magkaganoon man, nawala man kay Angel ang said Erik Matti project, may inanunsiyo namang dalawang bagong pelikula para sa kanya — isa kasama si Coco Martin, at isa naman with James Reid, kapwa mga sikat na leading men sa kasalukuyan.
Ngunit, ang loyal Angel Locsin fans sa social media, hindi naitago ang pagkayamot, pagka-disappointed dahil anila, ilang taon ring naghintay at “pinaasa” diumano, at may mga nagtangka pang i-boycott kung sino man ang papalit sa kanilang idolo bilang Darna.
Still on social media, isa nga ang pangalan ni Pia sa lumutang sa iba’t ibang surveys na nais nilang maging bagong Darna, maliban sa ibang mga pangalan tulad nina Liza Soberano, Nadine Lustre, Jessy Mendiola, at iba pa.
‘Yun nga lang, mismong sa bibig na ni Pia galing na hindi niya gagawin ang Darna. Malalaman natin sa mga susunod na araw kung mag-iiba ang plano ng Star Cinema, o mas iko-consider na nila ang ibang mga pangalang gusto ng netizens.
(Mell T. Navarro)