Isang construction worker ang natagpuang nakabigti sa loob ng kaniyang inuupahang kuwarto sa Singalong, Manila, noong Huwebes ng gabi.
Nadiskubre ng isang kapitbahay ang bangkay ni Junie Tapinet, 33, na nakabitin mula sa kisame malapit sa pintuan ng kaniyang kuwarto sa Arellano Avenue dakong 8:10 p.m.
Nakapulupot sa leeg niya ang isang kumot na ang dulo ay nakatali sa kahoy sa kisame, ayon kay SPO2 Richard Escarlan ng Manila Police District homicide section.
Sinabi ng kapitbahay na si Simeon de Lima, 51, huling nakitang buhay si Tapinet 11 a.m. nang humiling pa ang biktima sa kaniya na ibili siya ng isang tasang kape.
Kinagabihan, patay na si Tapinet nang matagpuan ni Arsenio Jose, 57, kapitbahay din na bumisita sa kaniya. Agad na ini-report ni Jose ang pagkamatay ni Tapinet sa barangay outpost.
Inaalam pa ng police kung may foul play sa pagkamatay ng biktima. (Analou de Vera)