Inaresto ng patrol cops ang isang 31-taong gulang na lalaki matapos mahulihan ng pekeng pera na nagkakahalaga ng P45,000 sa Pasay City noong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Senior Supt. Lawrence Coop, Pasay City police chief, nadakip si Lenard dela Rosa dakong 8:15 a.m. sa Barangay 146, Zone 16, Pasay City.
Residente siya ng Tawi-Tawi St., Barangay Maharlika, Taguig City. Nakakulong siya ngayon sa Pasay City Police Station at nahaharap sa kasong illegal possession of counterfeit money at drug paraphernalia.
Base sa report, nagpapatrol ang mga miyembro ng Baclaran Police Precinct nang mamataan nila si Dela Rosa na may kahina-hinalang kilos.
Nang sitahin ng police, nakumpiska sa kanya ang mga pekeng pera at tube pipe na gamit sa pagsinghot ng shabu. (Jean Fernando)