Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga naninigarilyo sa bansa dulot ng pagpataw ng mas mataas na tax sa tobacco products simula noong taong 2013, kailangan pa ring pag-ibayuhin ng pamahalaan ang mga hakbang para mabawasan ang mga namamatay dahil sa sakit dala ng paninigarilyo, ayon sa health officials.
Sa isang media forum kamakailan, sinabi ni Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial na base sa isang pag-aaral, isa sa bawat apat na Filipino adults ay patuloy pa ring gumagamit ng tobacco products.
Dahil dito, marami pa ring non-smokers ang nakakalanghap ng usok ng sigarilyo mula sa mga taong pautloy na humihitit ng tobacco sa mga pampublikong lugar at mismong sa sariling nilang tahanan.
Ayon sa Department of Health (DoH), 87,000 Filipinos ang namamatay kada taon dahil sa tobacco exposure, mas mataas kaysa sa pinagsamang bilang ng mga namamatay dahil sa HIV/AIDS, tuberculosis at malaria.
Sinabi ng health officials na kung mababawasan ang mga naninigarilyo, mababawasan din ang tobacco-related diseases tulad ng cardiovascular diseases, chronic obstructive pulmonary disease, diabetes at cancer.
Base sa 2015 Global Adult Tobacco Survey, halos 16 million Filipino adults ang nanigarilyo – 40 percent ay lalaki at 5 percent ay babae.
Sinabi ng DoH na dahil sa pagpapataw ng mas mataas na tax sa tobacco products noong 2013, bumaba ang bilang ng gumagamit ng sigarilyo at mga biktima ng second-hand smoking.
“While the taxation measures since 2013 have made tobacco products less affordable, there are still too many Filipinos who shell out substantial amount of their monthly income to support their smoking habit,” pahayag ni Ubial.
Binigyang diin ng kalihim na marami pang dapat gawing hakbang ang pamahalaan para malimitahan at mabawasan ang ang paggamit ng sigarilyo, lalo pa’t ang mga mahihirap ang karaniwang kinakapitan ng mga sakit dulot ng matagal na pagkalantad sa tobacco products.
Inayunan siya Dr. Gundo Weiler, World Health Organization (WHO) Representative to the Philippines, na nagsabing kailangan nang ipatupad ng gobyerno ang nationwide smoking ban sa mga pampublikong lugar.
Binati ni Weiler ang Pilipinas dahil sa pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng tobacco products, ngunit aniya mas marami pa rin ang smokers dito kaysa sa ibang bansa.
Tiniyak ni Dr. Weiler na patuloy na susuportahan ng WHO ang pagsisikap ng Philippine government na mabawasan ang pagkakasakit at pagkamatay ng mga Pilipino dahil sa paninigarilyo.
Noong isang linggo, inanunsiyo ng Malacañang na handa nang pirmahan ni President Duterte ang executive order para sa pagpapatupad ng nationwide smoking ban. (Emily G. Bugarin)