Sinasabi nina Joshua Garcia at Julia Barretto sa iba nilang interviews na mag-best friend ang status ng relationship nila ngayon. Kaya naman ikinagulat at ikinakilig ng fans, studio audience at maging ng hosts ng ABS-CBN morning talk show na Magandang Buhay ang naging rebelasyon ni Joshua nang mag-guest sila ni Julia.
“More than best friend yung tingin ko sa kanya e. Parang family ko na rin siya sa sobrang importante niya rin sa akin,” pag-amin ni Joshua.
Halata namang nagulat si Julia sa sinabi ni Joshua. Pero masaya siya na naging kaibigan niya ang young actor. “Siguro having a best friend alone, di ba nakakatuwa na nakahanap ka ng best friend in somebody. And kay Josh nakahanap ako ng totoong kaibigan, so doon ako masaya, doon ako suwerte,” sabi ni Julia.
Espesyal din ang pagpapahalaga nila sa isa’t isa. “Ako, sobrang thankful ako kasi dumating siya sa buhay ko. Sana mas marami pa kaming magawa together kasi magiging masaya kami parehas,” ani Joshua.
Ayon naman kay Julia, “Thankful ako kay Josh kasi extra-extra talaga yung pag-aalaga niya. Very protective talaga siya, always want to make sure na okay ako.”
Nagsimulang maging close sina Joshua at Julia nang gawin nila ang pelikulang Vince and Kath and James para sa Metro Manila Film Festival 2016. Pagkatapos nito constant pa rin ang communication nila kahit hindi sila nagkikita.
Hanggang sa magkasama ulit sila sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya. And recently, isa si Joshua sa naging special guest ni Julia sa kanyang birthday dinner at naging viral pa ang dance video nila kung saan magkayakap sila habang nagsasayaw.
Planado ba talaga ito ni Joshua? “Hindi. Nakakakaba kasi siyempre nandun yung family niya e, and hindi ko na rin alam yung ginagawa ko niyan e. Siyempre nagpalakas muna ako ng loob, tapos hinila ko na siya. Hindi ko alam kung bakit ko siya hinila. Kusa na lang e, natural na lang e. At saka gusto ko ring maging maganda yung birthday niya,” kuwento niya.
Kinilig naman si Julia sa ginawang ito ni Joshua. Ayon pa sa young actress, maging sa pamilya niya ay close na rin ang young actor. Lalo na nga raw noong magpunta si Joshua sa birthday ng lola niya. “Nakakaaliw kasi sobrang effortless yung pagkakasundo ni Joshua sa buong family ko. Ang bilis nilang nag-bond.” (GLEN P. SIBONGA)