Matapos na ma-recover ang kanilang mga sasakyan, siyam na biktima ng “rent-sangla” scam ang nag-urong ng kanilang reklamo na isinampa sa Department of Justice (DoJ) laban sa mga taong nasa likod ng scheme.
Sa preliminary investigation ng DoJ kahapon, pitong private complainants ang nagsumite ng kanilang affidavits of desistance.
Nauna nang umurong sa kaso ang dalawang complainants noong Lunes. Ang siyam na nag-urong ng kanilang reklamo ay kabilang sa 29 complainants na nagsampa ng criminal complaints sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) noong February 22 laban sa mga taong sangkot sa “rent-sangla” scam.
Kinilala ang mga respondents sa kaso na sina Rafaela Montes Anunciacion, Eleanor Constantino Rosales, Tychichus Historillo Nambio, Jhennelyn Berroya, Anastacia Montes Cauyan, Eliseo Cortez, Marilou Cruz at Sabina Torrea.
“Apparently, ang mga complainant na nagde-desist are blaming the HPG for the filing of cases,” sabi ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes.
Sinabi ng mga nag-withdraw ng kaso na pinilit sila ng HPG na mag-file ng reklamo laban sa mga suspek para mai-release ang mga sasakyan nila na na-recover ng police.
Ipinaliwanang naman ni Reyes sa complainants na natural lamang sa HPG na mag-imbestiga para malaman kung paano nawala ang kanilang mga saasakyan.
“So inexplain ko natural nagrereklamo kayo na nawawala ang mga sasakyan niyo and it ended up in the impounding area of the HPG,” he said.
Sinabi ni Reyes na ilan sa mga nag-file ng affidavits of desistance ay maaring sampahan ng perjury charges dahil sa conflicting statements sa complaint-affidavits na ibinigay nila sa DoJ. (Jeffrey G. Damicog)